Kung Hindi Ngayon, Kailan Pa?

 

Hudyat ng Reporma; Mamulat sa Nakagawiang Sistema

                    Bilang obserbasyon sa mga nakalipas na taon, hindi ba ang mga kandidatong tumakbo sa posisyon sa mga nakaraang taon ay parehong mga taong pa rin sa ngayon? Sa mga taong ating nakasanayan, mayroon bang anumang palatandaan ng reporma ang ating natamo? Napabuti ba nito ang ating lipunan? Sa sitwasyon natin ngayon, ang kakayahan sa paglilingkod para sa lipunan ay tila naaagnas. Iilan sa mga nakasanayang diskarte ng gobyerno laban sa mga lumilitaw na mga problema ay hindi kailanman naging mabisa sa paghahandong ng isang matagumpay na solusyon. Ito nga ba ang siyang nararapat na pagtrato para sa ating pinakamamahal na bansa at ang mga mamamayan nito? O sadyang ang magulo at nakagawiang sistema ng lipunan na lamang ba ang siyang ating paiiralin?  Ang ating pamahalaan ay nawalan na ng puwang para sa isang makabago at modernong estratehiya sa pangangasiwa ng taumbayan. Sa halip na ang mga pulitiko ang siyang gagabay at magtatag ng direksyon upang makamit ang pagnanais na mapaunlad at yumabong ang bayan, ang kabaliktaran nito ang siyang ating makakasalamuha. Sa katunayan, iilan sa mga makalumang opisyal ay hindi lubos na naunawaan ang ating kalagayan at katayuan sa kasulukuyan. Base sa tapatang pagmamasid, padalos-dalos ang mga pagpapasiya nito sa mga masisidhing suliraning na kinakailangan ng maigi at taimtimang delibirasyon. Bilang karagdagan, hindi man lang na bigyang halaga ang mga aspetong sana’y naging unang prayoridad sa mga sitwasyong tayo ay labis na nalulusob. Hindi pa diyan magtatapos, sapagkat kadalasan pa ng mga nasa awtoridad ay nagpapakitaang-tao lamang ngunit nasa loob pala ang kulo; dito nagsisilabasan ang pagiging hypokrito at ang pag-uugaling gutom sa kapangyarihan at kayamanan. Bilang isang resulta, hindi man lang nito nakamit ang mga programang nakasaad sa kanilang mga plataporma. Ganoon tayong nanganganib sa kasalukuyan, ang kawalang kakayahan ng mabisang mga pinuno ay umusbong o nagresulta sa lumalalang katayuan ng lipunan sa ating bansa.



                    Ang isyung ito ay lubos na maiuugnay sa ating mga pinagdaanan sa kasulukuyang nasa gitna tayo ng pandemya. Ayon sa maraming sanggunian ng balita, ang pinakamahabang lockdown sa mundo ay ang ating bansa mismo. Marahil ay talagang mahahalata natin ang kapabayaan at kawalang kakayahan ng gobyerno pagdating sa kanilang diskarte sa pagtaguyod ng solusyon para sa lipunan. Talagang may mga malumbay na yugto ng mga pangyayari ang ating nasagupa sa kadahilanang ito. Sa katunayan, napakaraming tao ang nawalan ng trabaho, mga pagkakataon, mga mahal sa buhay, at higit sa lahat ang katatagan ng kaisipan; lahat ay pagod at gusto na lamang maging maayos ang lahat. Bagkus, ano ang mas binigyang pansin at halaga ng ating gobyerno? Ang pagpapaganda ng Manila Bay, alam niyo bang ang pondong nakalaan dito ay humigit kumulang P359 milyon. Ang kilusan bang ito ay katumbas ng isang aksyon na higit na mas praktikal at kapaki-pakinabang sa ating lipunan sa kasulukuyan? Sa ganito kalaking halagang badyet maaari sana nating mas mapahusay ang paggamit dito. Maraming tao ang lubhang nangangailangan ng suporta mula sa ating gobyerno ngunit ito ang ating mapapala sakanila. Tila ba’y mas pinili ng mga awtoridad na magpaka-bulag at magpaka-bingi sa mga pagdurusa at pagdadalamhati ng taumbayan. “Hindi kami natakot mamatay sa COVID; takot kami na mamatay sa gutom” pahayag ng 64 taong-gulang na si Bernadette. Maraming satsat ang gobyernong inilahad na may tulong silang iniabot para sa pamayanan ngunit wala man lang gawi at pagsisikap na makumpirma kung bawat isa ba’y nakatanggap ng mga ito. Kung hindi ngayon, kailan pa nga ba natin makamtan at mararanasan ang kaunlaran at aninaw (transparency) sa ating bansa? Patuloy na lamang bang mangingibabaw ang mga nakasanayan sa pamahalaan na tila hindi naman kapaki-pakinabang? Kaya’y lubos kong masasabi tayo’y nangangailangang ng mga makabagong lider sa ating pamahalaan.  Sa pagsabi kong "makabago", tumutukoy ito sa mga pinahusay at modernisadong mga opisyal na nagtataglay ng pagiging praktikal at bihisa pagdating sa pagpriyoridad na may hangaring mapalabong ang ating bansa. Bagaman maraming buwaya sa lipunan, may tao pa ring sasagi sa aking isipan tuwing ito ay mababanggit. Kumakatawan ito sa mga kalidad ng isang opisyal na si Mayor Vic Sotto, ang Mayor ng Pasig. Kung namamasdan niyo si Mayor Sotto ay labis na bata pa kumpara sa ibang mga mayor; ito ay dahil nabibilang siya sa ibang henerasyon. Sa katunayan, dahil sa mga makabuluhang estratehiya nito ang pinakabatang alkalde sa Metro Manila ay tinaguriang isa sa 12 na pandaigdigang kampeonong anticorruption. Hindi dahil nasanay na tayo na ang ibang mas matandang henerasyon ay marungis at korap; ito na lamang ang siyang mararanasan natin habang-buhay. Nasa sa atin pa rin ang kapangyarihan sapagkat tayo ang naglagay sa kanila sa ganyang katayuan. “If we want better long-term governance, we need to fight corruption. We have to denormalize it, get it out of our culture.” – Mayor Sotto. Buhat dito, kinakailangan talaga ng ating bansa ng mga lider na mas nakakaunawa hindi lang sa sistema at paano ito mapatakbo kundi pati na rin sa paglagay sa kanyang sarili sa perspektibo ng mamamayang nagugutom, naghihirap, at mga nagmamaka-awa. 





                        Bilang parte ng kabataan sa ating lupang sinilangan, Pilipinas, ako’y labis na nagagalak na nabigyan akong pagkakataon na maibahagi ang aking saloobin pumapatungkol sa mga paksang kontrobersyal na kinakailangan mamulat ang ating mata’t isipan. At bilang Pilipino, ang ikabubuti at kaunlaran ng ating bansa ang siyang nais kong manaig sa ating hidwaan laban sa korapsyon at inkompetensiyang ating dinaranas mula sa pamahalaan. Kaya’y gagamitin ko ang aking angking boses upang ipahayag sa lahat ng aking mga kababayan, na ngayon pa lamang ay suriin na nang maigi ang mga opisyal na karapat-dapat sa puwesto sa darating na halalan. Sa kaalaman ng lahat, ang eleksyon ay isang pagdiriwang na naguudyok ng napakalaking epekto sa ating bansa bilang isang kabuuan; sapagkat binigyan natin sila ng malaking kapangyarihang magtaglay ng awtoridad na mamahala at panghawakan ang ating lipunan. Samakatuwid, dapat tayo ay hindi basta-bastang magbigay ng boto sa taong hindi naman nararapat para dito; itakda ang iyong mga pamantayan nang mataas subalit ang kapakanan ng ating bansa na pinag-uusapan natin! Huwag ipwesto sa posisyon ang opisyal dahil lamang sa angkin nitong kasikatan o dahil ito’y nagte-trend; pumili ng mga lider na tunay ngang nag-aalok ng maayos na pamumuno, pagpapaunlad ng ekonomiya at pagpapabuti para sa lipunan. Piliin ang kandidatong may puso para sa mamamayan, malinaw at tapat sa mga intensyon sa lipunan at ang pinakamahalaga, may mabisa at makabagong pamamaraan sa pamamahala sa bayan. Habang-buhay ukitin sa ating mga puso’t isipan ang mga taong nagdurusa, walang hustisya at nawalan ng buhay dahil sa makalumang sistemang mayroon tayo ngayon. Hayaan ang galit at pagkahinayang sa mga mga kapus-palad na pangyayari sa kasulukayan na magbigay daan sa pag-aalab na pagnanasa ng pagbabago para sa ating bansa. Bigyan ang mga taong nagdurusa ng hustisya sa pamamagitan ng pagpili ng mabisa at makabagong pinuno sa mga susunod na halalan. #VoteWisely


Comments

  1. Mahusay ang pagkabanday ng konsepto!

    ReplyDelete
  2. Wow! Ang astig neto, bosseng! Tama ka talaga. Napakahusay!

    ReplyDelete
  3. Wow! Ang astig neto, bosseng! Tama ka talaga. Napakahusay!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat ng marami tol! Ako'y nagagalak sa impormasyong iyan<3

      Delete
  4. Wala akong masabi sa ganda ng pagkalahad ng blog mong ito Toechee! Tiyak na napukaw mo ang pag-iisip ng mga tao!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Salamat Binibining Kassandra sana nga para tuluyan nang mapabuti ang ating lipunan!

      Delete

Post a Comment